Kasamang Wilson Baldonaza:
Dakilang Lider at Edukador ng Uring Manggagawa
Revolutionary Council of Trade Unions–
National Democratic Front of the Philippines
04 Hulyo 2009
Ipinapaabot ng Revolutionary Council of Trade Unions–National Democratic Front of the Philippines (RCTU-NDFP) ang aming taas-kamaong pagpupugay kay Kasamang Wilson Baldonaza – dakilang lider, edukador at organisador ng uring manggagawa, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno, at proletaryong internasyunalista.
Nakikiramay kami kay Ka Lily, butihing kabiyak ni Ka Wilson, gayundin sa mga kaanak niya at sa mga kasama at kaibigan niya sa kilusang paggawa at sa rebolusyunaryong kilusan ng mga mamamayan sa bansa.
Ang RCTU ay ang lihim na konseho ng mga lider ng rebolusyunaryong kilusang paggawa sa bansa. Bilang kasapi ng NDFP at sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, pinupukaw, inoorganisa at pinapakilos nito ang masang manggagawa sa bansa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan. Sumusuporta ito sa pangunahing porma ng pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo – ang armadong pakikibakang inilulunsad ng New People’s Army sa kanayunan ng bansa.
Bilang isang konseho, nagbibigay-pugay at parangal kami kay Ka Wilson dahil sa pagsusulong niya sa kapakanan ng uring manggagawa at sambayanan. Hindi lamang siya nag-ambag sa tunay, palaban at makabayang unyonismo, nag-ambag din siya sa pagsapul ng napakaraming manggagawa at mamamayan sa batayang mga suliranin ng lipunan at sa pangangailangan ng rebolusyunaryong pagbabago para lunasan ang mga ito. Hindi lamang ang kagyat na mga interes ng uring manggagawa at mga mamamayan ang isinulong niya, kundi ang matagalan nilang interes para sa tunay na pagbabago.
BUHAY NG REBOLUSYUNARYO
Isa si Ka Wilson sa libu-libong estudyante at kabataang namulat, naorganisa at napakilos noong bago ideklara ang Batas Militar ng rehimeng US-Marcos. Naging kasapi siya ng Samahan ng Demokratikong Kabataan o SDK sa University of the East at lumahok sa makasaysayang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 na unang nagbudyong sa buong bansa ng pambansa-demokratikong adhikain ng sambayanan. Sa panahong iyon ng papasidhing krisis ng lipunang mala-kolonyal at malapyudal, ng papatinding panunupil ng rehimeng US-Marcos, at ng mabilis na paglakas ng rebolusyunaryong paglaban ng mga mamamayan, sumapi sa rebolusyunaryong kilusan si Ka Wilson.
Noong ipinataw ang Batas Militar, patuloy na kumilos si Ka Wilson sa kilusang kabataan-estudyante – noong una, sa kanyang bayan sa Victoria, Tarlac, pagkatapos ay bilang security guard ng Manila Domestic Airport at bilang manggagawa ng Mabuhay Textile Mills. Sa panahong nagpapanibagong-sigla ang kilusang paggawa sa bansa, at tuluy-tuloy na nitong winawasak ang sindak ng diktadura, kaisa si Ka Wilson na nagtayo ng unyon ng mga manggagawa sa pabrika. Dito, ipinakita niya ang kakayahan niya bilang unyonista, lider-manggagawa at rebolusyunaryo. Nahalal siyang bise-presidente at pagkatapos ay presidente ng unyon ng mga manggagawa noong 1985. Dahil sa matatag niyang pagtindig sa panig ng kanyang uri, pinamunuan niya ang ilang welga ng manggagawa sa nasabing pabrika para sa karapatan at interes ng mga obrero.
Dahil alam niyang hindi tunay na pagbabagong panlipunan ang iniluwal ng pagpapatalsik sa diktadura, at hindi tunay na rebolusyon ang nagpatalsik dito noong Pebrero 1986, patuloy na kumilos si Ka Wilson para sa rebolusyunaryong pagbabagong panlipunan. Naging pangkalahatang kalihim siya ng balangay sa Valenzuela ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan, alyansa ng mga pambansa-demokratikong organisasyon, noong 1987. Sa panahong ito, na tinawag ang Valenzuela na “strike capital” o sentro ng welga ng bansa, patuloy siyang namuno sa iba’t ibang welga ng mga manggagawa sa kanyang saklaw.
Noong inilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, naglilingkod na si Ka Wilson bilang edukador sa hanay ng mga manggagawa. Agad siyang tumalima sa panawagang muling pagtibayin ang mga batayang prinsipyo ng rebolusyunaryong kilusan at iwasto ang mga nagawang pagkakamali. Nanguna siya sa pagbibigay sa mga manggagawa ng mga pag-aaral hinggil dito. Kasama siya sa mga nagwasto ng mga pag-aaral hinggil sa oryentasyon ng kilusang paggawa sa bansa, mula sa dating paglihis nito sa batayang mga prinsipyo. Nanguna rin siya sa pagtuturo sa mga manggagawa ng mga araling ito.
Noong 2000, panahong lumalakas ang kilusan para patalsikin ang rehimeng US-Estrada, nagpasya si Ka Wilson na muling kumilos nang buong panahon bilang organisador at lider ng Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organizations o ANGLO. Dahil sa ipinakita niyang sigasig at pagiging epektibo sa gawain, nahalal siyang pangulo ng ANGLO noong 2002. Nanguna siya sa pagpapatalsik sa tiwali at dilawang mga elemento sa ANGLO at KMU, gayundin sa pagtukoy at pagtatakwil sa mga pagkakamali ng nasabing pamunuan at sa pagwawasto sa mga ito. Sa prinsipyado at matatag na pamumuno niya sa mga laban ng mga manggagawa, inani niya ang respeto ng mga manggagawa at maging ng mga elemento ng pambansang burgesyang nakaharap niya sa mga negosasyon. Alam nila na isa siyang lider-manggagawang matatag sa prinsipyo at hindi mabibili.
Sa ANGLO, namuno si Ka Wilson sa pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan para patalsikin ang papet, pasista at pahirap na rehimeng US-Arroyo. Sukdulan ang galit niya sa masasamang pakana ng rehimen na manatili sa pwesto habang patuloy na pinasisidhi ang pagsasamantala, pang-aapi at pambubusabos sa masang anakpawis. Dahil sa mahusay niyang pamumuno sa mga laban ng mga manggagawa at mamamayan, at dahil din sa tatag niya sa kilusang paggawa, nahalal siyang pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno noong 2007. Sa katungkulang ito, pinamunuan niya ang iba’t ibang pambansang departamento ng KMU para isulong ang mga karapatan at interes ng mga manggagawa at mamamayan, para sa paglawak at pagpapatatag nito.
REBOLUSYUNARYONG KATANGIAN
Sa buong panahon ng kanyang paglilingkod sa sambayanan, matatag siya sa pagtangan sa rebolusyunaryong mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, sa tuluy-tuloy na pagpapalalim ng pag-unawa rito, at sa pagpapalaganap nito sa hanay ng mga manggagawa. Masipag siyang magturo at palagi niyang hinihikayat ang mga kasama at kaibigan na mag-aral, sa mga pulong pag-aaral man o sa pamamagitan ng pagbabasa. Sa mga pulong pag-aaral at kahit sa pang-araw-araw na mga pag-uusap, ipinakita niya kung paanong inilalapat ang MLM sa kongkretong reyalidad at praktika ng kilusang paggawa sa bansa at sa mundo. Sa mga pulong, nangunguna siya sa pagbabalik-aral sa mga batayang prinsipyong kaugnay ng mga usaping tinatalakay.
Tinanganan niya ang mga tungkulin niya nang masigasig at epektibo. Kilala siyang marubdob sa pagtangan ng gawain at masinop sa pagpaplano at pagtatasa. Ito ang ibig sabihin ng mga kasama at kaibigan niya kapag inilalarawan siyang “workaholic” at “obsessive-compulsive.” Madalas siyang pinupuna ng mga kasama dahil minamadali niya ang paggaling sa mga karamdaman o hindi niya sinasabi ang nararamdaman – para makapakat na agad sa gawain. Isinabuhay niya ang simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka bilang lider, edukador at organisador ng kilusang paggawa sa bansa.
Masikhay na proletaryong internasyunalista si Ka Wilson. Ginamit niya ang kaalaman niya sa wikang Ingles para alamin at pag-aralan ang kalagayan at mga pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan sa iba’t ibang bansa. Kilala siyang may-alam sa pinakahuling mga pangyayari sa maraming bansa. Masipag din niyang ibinahagi sa harap ng mga organisasyon ng mga manggagawa at mamamayan ng iba’t ibang bansa ang kalagayan at pakikibaka ng uring manggagawa at mamamayang Pilipino – tampok ang pasistang panunupil sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo. Sa pamamagitan ng International League of Peoples’ Struggle at iba’t ibang pagkakataon, nakipagkapit-bisig siya sa mga manggagawa at mamamayan ng mundo laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon – para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.
Hindi malilimutan ng mga kasama ang mga katangian ni Ka Wilson. Dahil alam niyang gawain para sa sambayanan ang nakataya, hindi siya liberal at aktibo siya sa pagpuna sa mga nakikita niyang kahinaan sa paggawa at estilo ng paggawa. Naging bahagi siya ng pag-aaral sa samu’t saring atake sa kilusang paggawa nitong nakaraang mga taon, tampok ang tinatawag na “pleksibilisasyon” ng paggawa. Mapagkalinga siya sa mga kasama at masa, ibinibigay kahit ang natitira niyang pera sa mga nangangailangan. Sa kabila ng mga ambag at kalakasan niya, nanatili siyang mapagkumbaba. Maluwag siyang tumanggap ng mga kahinaang pinupuna sa kanya at iwinawasto ang mga ito.
Ipinagpatuloy at pinagyaman pa nga ni Ka Wilson ang halimbawa ng makabayan, militante at taos-pusong pakikibaka para sa uring anakpawis at sambayanan na ipinakita ng mga lider-manggagawang Pilipino tulad nina Andres Bonifacio, Crisanto Evangelista, Felixberto Olalia, at Crispin Beltran.
PAGPUPUGAY
Namatay si Ka Wilson na isang mahusay at marubdob na rebolusyunaryong proletaryo. Naging bahagi siya ng pamunuan ng rebolusyunaryong kilusang manggagawa sa bansa.
Makabuluhang ambag sa kilusang paggawa ang mga tagumpay niya sa gawain, gayundin ang mga aral na iniluwal ng pagsasakatuparan niya sa mga ito. Nag-iwan din siya ng buhay na halimbawa ng buhay ng isang rebolusyunaryong lubos na naglingkod sa sambayanan.
Ka Wilson, namamanata kaming ipagpapatuloy ang laban na iyong nilahukan at pinag-ambagan. Namamanata kaming hindi masasayang ang iyong buhay, mga sakripisyo at pagsisikap dahil magpupundar kami rito ng isang bayang malaya na naglilingkod sa mga mamamayan.
Namamanata kaming ibabangon ang kilusang paggawa, isusulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka, magpaparami at magkokonsolida ng mga katulad mong rebolusyunaryo, at lalahok sa rebolusyunaryong pakikibaka sa kalunsuran at lalo na sa kanayunan, sa pangunahing porma ng pakikibaka, ang armadong pakikibakang inilulunsad ng NPA!
Namamanata kaming patuloy na ibibigay sa iyo ang pinakamataas na parangal – ang isabuhay ang iyong mahuhusay na katangian, ang ipagpatuloy ang ating laban hanggang tagumpay. Kakamtin namin at ng susunod na mga salinlahi ang tunay na kalayaan, demokrasya at sosyalismo!
Mabuhay ka, Kasamang Wilson Baldonaza!
Mabuhay ang Revolutionary Council of Trade Unions!
Mabuhay ang New People’s Army!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!